Ang aking ilalahad ay mga pawang katotohanan lamang. Ito ay mga pangyayari sa tunay na buhay. Ang bawat salita ay Rated PG at sariling akin. Kumento o Suhestyon ay pwede basta walang bashers.
Ang pagpasok sa trabaho ay parte na ng buhay matapos itaguyod ang sarili sa hamon ng paaralan. Minsan nakakapod pero ayos na din kesa muling pagdaanan ang mga exams na nagpadugo ng lahat lahat sa akin. Lampas isang taon na din akong nagtatrabaho. At lampas isang taon na din akong nagtitiis sa buhay sa bus, sa jeep, at sa kalsada. Ipagpatawad ang mga sasabihin kong hinaing. Pero nais kong maging simula ng pagbabago. At sisimulan ko ito sa aking mga hinaing.
Ang Byahe
Ayos lang naman sa akin kahit malayo ang bahay sa trabaho. Kaya ko namang gumising ng maaga, alam ko naman ang disiplina sa oras. Pero minsan parang susuko ka na lang din talaga. Alas-8 ng umaga ang pasok ko. Para siguraduhing hindi malelate gumigising ako ng 5 o di kaya 5:30 ng umaga. Aalis sa bahay ng 6:30 ng umaga. Para makarating ako ng bus terminal, kailangan kong sumakay ng 2 tricycle. Pagdating ko sa terminal, ang daming tao. May mga araw din naman na konti lang pero mas madalas blockbuster. Tinalo pa ang The Mistress. Minsan may pila , minsan wala. Hayun, unahan sa pag-akyat. Walang lalaki o babae, matanda o bata, makasakay lang. At ako, papatalo ba ako. Sisiksik ako hanggang pwede.
May ilang beses na din na hindi pa man lamang nakakalayo ang bus eh nasisiraan na ito. Kaya kailangan na naman lumipat ng bus. Haggard.
Bago pa lamang din lumabas ito ng FTI, traffic na agad hanggang Magallanes. Yung byahe na for only 30-45 minutes lang nagiging 1 and a half hour. Kamusta naman. Sa may EDSA, kung hindi traffic, iinit naman ang ulo mo sa dami ng stop over para lang makakuha ng mga pasahero. At sa huli, late na din ako.
Eksena sa loob ng Sasakyan (bus, Trike,Jeep)
Marami na siguro sa atin ang nakakapansin nito. Di ka pa man lang nakakapag-ayos sa pagkakaupo sa bus may tatayo sa harapan. Kukuha ng bibliya at mangangaral. Pagkatapos, mamimigay ng sobre kasi ang magbibigay ay pinagpapala. Minsan di na natin alam kung gawain pa nga ba ito ng simbahan. Kung di naman sila, ay yung mga batang may dala dala ding sobre at may nakasulat na “Maawa na po kayo, pambili lang po ng pagkain”.
Naalala ko, merong isang beses sa bus. Papunta na ako sa trabaho. Dahil wala ng masakyan sa may harapan nito, sa may pinaka likod ako napadpad. May katabi akong isang kuya na may kandong kandong na bata sa kanyang hita. Nung una wala namang kakaiba. Hanggang sa napansin kong patagong may kinukuhang mga sobre ang kuya at mabilis na ibinigay sa bata. Mabilis at patago ding ginalaw ni kuya ang kanyang hita na para bang ito ang hudyat sa bata na simulan na ang kung ano mang dapat gawin. Tumayo ang bata. Lumingon lingon at kasunod nito ang pamimigay ng mga sobre. Hindi ko alam kung ano ang dapat maging reaksyon ng mga oras na yun. Ang alam ko lang ay naiinis ako sa nakita ko. Isang bata ang ginamit para kumita. Terible! Pero hindi ako naging “proactive”. Ipagpatawad. Pero sa susunod na mangyari ito, sisimulan ko ang pagbabago.
Sa mga sasakyan din dito sa Pinas makakaranas nung pwet sa pwet, siko sa siko at kung minsan kili-kili sa kili-kili na pagsakay o pag-upo. Madalas kahit di na kasya ipipilit pa din makasakay lang (kung ikaw ang pasahero) o kumita (kung ikaw ang drayber). Yung tipong iluluwa ka na ng sasakyan pero wala ka ng magawa. Tapos halu-halo na yung amoy nyo, may ayos lang, may hindi mo na talaga maintindihan (nahihilo na ako).
May mga nagmamaneho din na para bang eroplano ang pinapatakbo nila. Lipad kung lipad. Nakakalimutan ko na nga lang huminga kung minsan. Mapapakapit ka na lang sa upuan o sa bakal na hinawakan na ng kung sinu-sino.
Naranasan ko na ding pababain ng drayber dahil lang sa wala syang panukli sa ibinabayad ko. Ayos lang naman sa aking bumaba, pero sana naman andun pa din yung ethics. Sana naman sa tamang babaan at sakayan nila ako ibinaba dahil lang sa di ako nakabayad kasi wala silang pansukli. Nasaan na ang pakikipagkapwa?
Noong pauwi naman ako, may 2 estudyanteng babae na tumabi sa akin. Nakaupo ako sa may tabi ng bintana. Nang may isang kuya na nagbebenta ng tubig ang bigla na lang tumakbo at tinangkang kunin ang cellphone nung babaeng katabi ko. Malas nya lang kasi yung case lang yung nakuha nya.
Pinas, kelan ba tayo aasenso? Panahon na talaga upang manindigan at mag-isip. Lumikha ng mga bagong ideya upang ang mga problemang ito ay masolusyonan. Mas marami pang problema dito sa Pilipinas kaysa sa pinagtatalunan ng lahat na Cybercrime law. Sino lang ba ang nakikinabang ng cyber crime law, hindi ba’t yung mga tao lamang na may kakayahang maginternet (medyo tulad ko), mga sikat na personalidad. Oo, makakatulong din ito sa mga mamamayan, subalit para ba ito sa nakararami o pangkalahatan?
Sa ganang akin lamang eh, mas kailangan ng bansa ang mga batas na magtataguyod di lang ng pagkatao ng isang indibidwal, hindi lang ng pag-angat sa kabuhayan ng isa, kundi yung mga batas na para sa lahat, para sa bansa.