Ang Huling Liham Na Isusulat Ko Para Sa’Yo

[Kung may “Ang huling tulang isusulat ko para sa’yo” si Juan Miguel Severo, narito naman ang aking huling liham para sa kung kanino man ang liham na ito]  Ito ang #hugotletter para sa lahat ng nafriend zone at natutong magmove on.

Para sa kung kanino man ang huling liham na ito,

Sa totoo lamang hindi ko alam kung paano ko sisimulan at tatapusin ang liham na ito. Hindi ko alam kung saan ito patutungo, sa iyong puso ba na tila sarado o sa utak mong hangad ko’y  kahit paano ay naroon ako. Marami akong nais sambitin pero hindi ko magawa. Marami akong nais itanong pero hindi ko magawa. Marami akong nais na marinig na kasagutan sa lahat ng katanungang bumubulong sa aking isipan, ngunit hindi ko magawa. Nalilito ako na para bagang hindi ko alam kung tama ba ang lahat ng ito- ang sabihin ang mga katagang “salamat at paalam”.  Nalilito ako dahil maaring sa pagkakataong ito ay hindi mo pa rin alam, hindi mo pa rin ramdam. Nalilito ako dahil hindi ko man lamang alam kung lahat ng ito ay may saysay. 

Nalilito ako kung anong akda ba ang nararapat para sabihin ang lahat ng salitang tila may gamit na miktinig dahil sa lakas ng tunog ng mga ito na halos aking ikabingi. Tama ba na liham, o dapat bang isang saknong, parirala kaya o isang taludtod o dapat din bang isang tula na lamang? Subalit sa dami ng sa akin ay gumugulo, aking napagtanto na akma ang isang liham na tulad nito. Noong una ako ay nag-aalinlangan subalit tila ba may isang balani na humihimok sa akin para likhain ang liham na ito. 

Sisimulan ko ang lahat sa  pasasalamat. Salamat sa iyo. Hindi ko na alam kung makailang beses ko na itong nawika pero uulit ulitin ko dahil sa napakaraming bagay na sobrang ipinagpapasalamat ko dahil sa tulad mo. Salamat sa mga panahong ikaw ay nagsilbing araw sa buhay kong tila wala ng bagong umaga. Lahat ng iyong nagawa para sa akin ay mahirap ilagay sa isang banghay o di kaya naman ay gamitan ng batayang panukat. Dahil sa totoo lamang, walang katumbas ang lahat ng iyon. Salamat sa lahat ng iyong kuwento, ngiti at suporta. Salamat sa pagiging tunay na karamay. 

Ngayon ay akin itong tatapusin sa isang paalam. Paalam sapagkat sa lahat ng nangyari sa nakaraan ito na lang ang alam kong maaari ko pang sabihin. Paalam sapagkat ito na lamang ang salitang sa akin ay natitira. Paalam sa sakit na maaaring hindi mo naramdaman, sa sugat na aking dinala at sa luhang hindi mo nakita. Paalam sapagkat ito ang salitang akma na manggaling sa tulad kong nakaramdam ng higit pa sa tulad mong ang tingin ay kaibigan lang pala. Paalam dahil matapos akong magbulay-bulay, aking napaglinaw sa sarili na kaya ko, kaya ko kung hanggang doon lamang talaga ang meron sa atin. Paalam sapagkat tulad ng isang ibong nasugatan ang bagwis at ngayon ay patuloy na naghihilom, matapos ng lahat ng ito, muli akong makalilipad sa isang bagong bughaw ng himpapawid kahit na wala ka. Paalam na tulad ng bukas na hindi na magiging bukas o ng ngayong hindi naging ngayon. Paalam tulad ng isang bahaghari, unti unting naglalaho subalit sa iyong pagsilay ay nag-iwan ng makulay na alaala.

Heto na ang lahat ng aking nais sabihin subalit hindi ko na nagawa at hindi ko na gagawin, hindi ko na sasabihin ng harapan at idadaan ko na lang sa liham. Huwag kang mag-alala, ako’y walang poot, ni konting himutok sa iyo aking giliw. Dahil ang hinagpis na ito ay batid kong kasalanan ko, kasalanan ko na mabuhay sa panaginip na alam kong kailanma’y hindi magiging totoo. Panalagin ko na kahit paano ay hindi mo malimutan ang makailang beses na naroon ako sa mga panahong kailangan mo rin ng kaibigan, karamay, hingahan, at kasama sa kung saan man. Naroon ako kahit na ang katawan ko na ang nagsasabi na hindi ko na kaya pa ang magbigay ng lakas at panahon. Naroon ako kapag kailangan mo ng suporta sabihin mo lamang kung saan at kailan. Batid ko din na mayroon ng iba, kaya mas pinili ko na ibahin ang daang aking tatahakin. Magpakalayu-layo hanggang sa ang laman ng puso ay maglaho. Martir man kung tawagin subalit datapwat ito ang alam kong tamang gawin. Tanging hiling ko lamang sa iyo ay nawa’y iyo paring isaklit lahat ng ating alaala para sa kung himalang ang mundo natin ay magkabaliktad, dala mo ito upang sa akin ay ipaalala. 

Sa ngayon, hindi na ako aasa na may lugar sa ating dalawa. Tinanggap ko na at handa na akong suungin ang bagong buhay. Ika nga ng isang awitin, “Tuloy pa din ang awit buhay ko, magbago man ang hugis ng puso mo”. Magsusulat ako ng bagong kabanata na kung saan ay hindi ka na karakter sa lahat ng pahina nito. Tulad ng isang talata na tinapos ng tuldok, ito  na  maaari ang huling liham na isusulat ko para sa’yo. Hindi. Ito na ang huling liham na isusulat ko para sa’yo.

Paalam,

Oriang

Advertisements