Si Pink Ranger

Image

Lumilipas nga ang panahon. Dinadala na ako ng hangin sa landas na kung saan dapat ako pumaroon. Minsan sumasabit sa mga sanga, bumabangga sa pader, nahuhulog sa lupa pero muling lumulutang at sumusunod sa direksyon na kung saan patuloy ang paglipad. Kung minsan pinipilit kong bumalikwas at tumungo sa taliwas na direksyon pero ganun ata talaga, dapat matuto kang sumunod at paninindigan ang daloy ng hangin na nakatakda sa buhay mo. Kesa sa bandang huli ay pagsisihan mo ito. Palaging tandaan ang pagsisisi ay nasa huli. Subukan nating ilagay sa una minsan, para kang kumain ng apa  at pag ubos na ang apa ay saka kukunin ng kamay mo ang sorbetes. Kung hindi mo naintindihan, subukan mo na lang.

Noong bata ako, maliban sa pangarap kong maging doktor, guro at astronaut, at gawin ang lahat ng ito ng sabay-sabay, minsan naisip kong maging si Kimberly. Kilala nyo ba si Kimberly? Kung batang 90’s ka baka kilala mo siya. Siya lang naman si Pink Ranger. Hanggang ngayon iniisip ko kung bakit sa dami ng naging Pink ranger sya yung naging paborito ko. Marahil na din siguro sa tiwala sa sarili na nakita ko sa kanya. Naaalala ko pa yung isang eksena noon na may biglang bagong Pink ranger ang dumating. Mas maganda, mas magaling at mas matalino. Kung hindi ako nagkakamali Cathy ang pangalan nya. Isang kaaway na nagpapanggap na kakampi ng rangers. Isang taong nagiging pusa sa di ko na maalalang dahilan. Pero sa huli, hindi man muling naging sa Pink ranger si Kimberly ay nagawa nyang baguhin ang pagkatao ng taong hinamon ang pagkatao at pagkakakilala nya sa sarili nya.

Ngayon hindi man ako isang doktor, guro, astronaut at lalong lalo na maging si Pink ranger masaya ako sa buhay na ibinigay sa akin. Minsan may mga sumusubok sa aking lakas at kapangyarihan pero sabi ko nga sa aking sarili, “walang bagay na walang solusyon at di napagtatagumpayan. Tiwala lang. Pak!”.

Kung mabibigyan naman ako ng pagkakataong maging si Pink Ranger, tatanggapin ko. Bakit naman hindi? Masaya siguro yung mag tutumbling ka tapos biglang mababago yung anyo mo, magkakaroon ng maskara na may dalawang itim na bahagi para sa mga mata at fit na costume sabay poise pagkumpleto na yung transformation. Sabay sabay kayong susugod ng iba pang mga rangers habang may pasabog sa likod nyo na para bang nagsasabing walang makakatalo sa galing nyo. At kapag nararamdaman na ng kalaban na matatalo na sya, bigla nalang itong magiging higanteng kaaway. Doon ay magpapakitang gilas kayo sa pagtawag ng kanya-kanyang hayop na nagiging isang kahanga-hangang robot kapag nag”volt in”. (Hindi naman siguro magagalit ang Voltes V kung ginamit ko yung linya nila.) Mas kapanapanabik kapag  malapit ng matalo ang kaaway. Ilalabas ng robot ng rangers yung kanyang makapangyarihang espada, hihiwain sa gitna ang katawan ng kaaway pagkatapos ay tatalikod sa kalaban habang sumasabog ang katawan nito. At syempre dapat andun pa din ang attitude at poise.

Kahit pa hanggang sa panaginip lamang ito, kung gusto mo na ding maging si Pink Ranger, ito ang tatandaan mo nauna ako sa’yo.

Subalit anumang kagustuhan natin na maging katulad ng mga rangers, sa realidad alam natin na hindi ito mangyayari kailan man. Ang lahat ay pawang imahinasyon lamang at huwag mo akong tularan. Rated SPG.

Para naman kahit paano ako ay maging isang mabuting ehemplo, eto lang ang sasabihin ko. Mas kilala  natin ang ating mga sarili. Maaaring hindi tayo maging ranger pero may “superhuman” dyan sa kaibuturan ng ating puso. Mayroong nagsusumigaw na ilabas ang kabutihan at maging tanda ng pagbabago at kapayapaan.  Kailangan mong panindigan kung sino ka habang nakaukit sa puso at isipin mo kung para saan ka at kung bakit ka nabubuhay. May mga bagay o pagkakataon na di pwedeng gusto mo lang. Dapat alam mo kung para saan ito, may katahimikan ba sa puso  mo, at mas makabubuti dapat ito sa nakakarami.

Kung bakit nga ba bigla kong naalala si Pink Ranger, yan ang di ko alam. Pero natutuwa ako na kahit man lang sa di inaasahang pagkakataon ay naroon pa din ang alaala ng aking kabataan. Hindi man ito ang humubog ng tunay sa akin at dahilan ng kung sino ako ngayon, eh ano? Minsan lang talaga ay masarap balikan ang panahon kung kailan simple lang ang mangarap. Yung mga tipong imposible, lahat ay nagiging posible. Maliit ka man, musmos at inosente, sisiw lang ang lahat ng problema.

Para sa’yo Pink Ranger, salamat sa pagbisita sa aking isipan. Madaming bagay at pangarap na ang aking nakalimutan at unti unting natabunan ng “imposible” pero sa di inaasahang pagdaan mo, binuhay mo ang puso at katawang tao ko! Oo, walang imposible. Lahat ay posible, maniwala ka lang sa sarili mo, sa kapalaran mo at sa Kanya. Dahil lahat ng sa Kanya ay iyo, at lahat ng posible ay Kanya na gusto nyang ibahagi sa’yo.

Alam kong magulo ang sinulat kong ito dahil magulo ang utak ko. Masyadong madaming gustong sabihin pero para sa utak ko, tandaan mo na dalawa lang ang tenga ko. Ang sobrang sigurado ko lang, ito ay iniaalay ko kay Pink Ranger.

Ikaw ang bida Pink Ranger! Mabuhay ka!

Leave a reply