Confessions: Proud Iska (Ng Walang Pagyayabang)

Buhay ng Isang Nangarap at Naging Iska

Ito ang dulot ng panunuod ng teleserye. Nadala ako kay Celine sa “Ina, Kapatid, Anak.” Hindi dahil sa pareho kami ng pinagdaanan, pero dahil sa kapag nanunuod ako noon ay naalala ko yung mga panahong nag-aaral pa ako sa unibersidad. Sa isang unibersidad na kung saan makikita mo ang salitang “FREEDOM” kahit saan. At isa pa, inspirado akong magsulat dahil sa “AMALAYER” na laman ngayon ng mga social networking sites.

Unang Yugto: Ang Simula ng Isang Pangarap

Bago pa lang ako magtapos sa sekundarya, alam ko na kung saan ko gustong mag-aral. Syempre! Sa pangarap kong unibersidad. Di ko malilimutan ang mga sinabi ng nanay ko, “Bakit mo ba gustong gusto dun? Dito ka na lang sa probinsya natin.  At saka, bakit wala man lang commercial sa TV ang UP?”.  Sabi ko sa kanya “Di na kasi nun kailangan ng promotion sa TV o radio. Pangarap na sya ng lahat eh.”

Nalalapit na noon ang graduation. Ilang buwan na lang. Kaya naman dumating na kami sa panahon ng pamimili ng gusto naming pasukan. Palalampasin ko pa ba to? Humingi ako ng “photocopy” ng application form sa isang kaibigan. At dahil sa Honor student ako ng mga panahong yun at priority din talaga ang UP sa paaralan, hindi ako nahirapan na asikasuhin ang lahat ng dokumentong kailangan para mag-apply sa unibersidad. Suportado kaming magka-kamag-aral ng mga guro namin basta UP ang usapan. Hanggang sa, ayun naipasa ko din. Sa wakas! Matagumpay ang unang yugto.

Ikalawang Yugto: Oras, Pagkain at Lapis

Hindi ko na maalala kung gaano katagal bago ko nakuha yung notice for examination ko. Basta ang di ko malilimutan ay kinakailangang nasa paaralan na ako kung saan kukuha ng exam ng alas-6 pa lang ng umaga. Mahirap yun sa probinsya kasi malayo kami sa kapitolyo. Ilang oras din na byahe, makailang sakay ng bus, jeep at tricycle. Pero sa isip ko, eh ano? Lahat ay hahamakin, matupad lang ang inaasam.

Pagdating ng araw ng pagsusulit, maaga kaming umalis nung kasabay ko. Madilim pa noon, malamig ang hangin, at higit sa lahat nakakaantok. Ilang oras din ang naging byahe. Sumapit din kami sa paaralan ng sakto sa oras. Diretso agad punta sa pila. Maka-ilang minuto pa ay nasa loob na ako ng kwarto. Sa sobrang kaba ata, halos di ko na maalala kung paano ako nakarating doon. Sa naalala ko nalang ay isa-isa ng binibigay ng “proctor” ang mga papel, pinahanda ang lapis at sinabi ang mga paalala. Ilang oras din yung exam. Yung katabi ko kain ng kain. Halu-halo yung nasa plastic nya: may biskwit, junkfood, at mansanas. Ako? Salamat na lang sa Skyflakes at tubig. Nakaka-ubos ng dugo yung araw na yun. Kahit gaano kahaba ang oras, parang sobrang bilis pa din. Sagot lang ng sagot. Stored knowledge, power of hula, lahat na ata nailabas ko. Dumating din sa last part, pasahan ng papel. Bahala na si Batman, Superman, lahat ng may powers  at Santo. Pakiramdam ko gumuho lahat ng pangarap ko. Oo. Nahirapan ako. Eh, sobrang nahirapan talaga ako. Kasi naman yung mga nauna kong kinuhanan ng admission test, hindi naman ganoong kahirap. Gaya ng (blah, blah, ^ insert a school name here), ito lang talaga ang pakiramdam ko ay naiwan ang kaluluwa ko sa papel at lapis na ginamit ko. 50-50 na para sa ikalawang yugto sa pag-abot ng mga pangarap.

Ikatlong Yugto: Ang Liham at Internet

Ilang buwan pa ang lumipas, unti-unti ko ng nakalimutan yung pakiramdam ng mawalan ng kaluluwa pero hindi ang aking pangarap, ang makapasok ng UP. Kahit na natatakot ako na baka hindi ako makapasok doon dahil sa sobrang hirap ng kalbaryong pinagdaanan ko. Napuno ng kaba ang puso ko ng dumating na ang mga liham sa aming paaralan. Mga liham na para sa mga estudyanteng nakapasa at di nakapasa sa UP. Ang “Admission Notice”, ayan na. Subalit wala akong nakuha. Halos gumuho ang mundo ko noon. Wala akong nakuhang liham. Hanggang sa sabi ng guro ko sa kompyuter, pumasa naman daw ako. May nakapagsabi kasi sa kanya na pwedeng makita ang resulta sa internet. Eh, yung di pa uso masyado ang internet noon sa probinsya namin. Iilan nga lang ang meron at pag may proyekto pa na kailangan ng internet ay nakikisabay na lang sa kaklaseng malapit sa computer shop sa bayan namin. Pumasa nga ako! Pero bakit wala yung pinaka-importanteng sulat? Hanggang ngayon sinisisi ko yung post office namin sa di pagdating ng sulat sa bahay dahil naipadala na daw ata ito sa iba o nawala noong binagyo ang bayan namin. Tuloy ang buhay, ang pinakamahalaga sa lahat pumasa ako. Pang beauty queen yung peg. Yung mga guro namin, sobrang saya para sa aming mga nakapasa. Uso pa yung tarpaulin sa paaralan kung saan may pangalan ng lahat ng UPCAT passer. Cheers para sa pagbukas ng malaking pintuan patungo sa isang pangarap.

Ikatlong Yugto: TOFI

Hindi naman kami mayaman. Parang coke, sakto lang. Nakakakain, nakakapag-aral, nakakabili ng damit, sakto lang talaga. Unti-unting lumabo ang mga pangarap ko nung nabalitaan ko na tumaas ang tuition fee. Halos 1,000 per unit depende pa sa income ng mga magulang mo. Syempre, “amazona” ako pagdating sa kagusthang makapasok sa paaralang matagal ko ng inaasam. Sinubukan ko yung STFAP. Pagod, pawis at dasal ang naging super powers ko nang mga panahong yun. Andami nilang hinihinging requirements. Pati bilang at taon ng aming telebisyon, refrigerator, at iba pang kasangkapang bahay. Nakakapagod. Sa huli, naipasa ko din naman lahat ng kailangan. Pero, napagod na din ang mga magulang ko. Ako din siguro kaya nakumbinsi nila ako ng mag-enrol na sa isa pang eskwelahan na pumasa ako. Noong oras ng enrolment, di talaga ako mapalagay. Iniisip ko pa din ang STFAP. Sana may resulta na, yung tipong Bracket D or E man lang ako. Ngunit ng oras na yun, ang katotohanan, ay wala pa man lang resulta ang STFAP. “Kaya sige, mag-eenrol na nga ako dito (sa ikalawang paaralan)”, sabi ko sa sarili ko. Mas mababa kasi ang tuition dun kumpara sa UP. Halos nasa kalahati na din ako ng enrolment sa paaralang yun. Nag-physical examination na din ako. Pero sa totoo lang di ko yun sineryoso. Ewan ko ba. UP talaga ang nasa isip ko. Kaya naman nung urinary exam, (pasintabi po) nilagyan ko ng tubig yung bote ng ihi ko. Sabi kasi ng nurse, punuin ko daw yung bote. Subalit, di naman ako mala-baka para mapuno ang ganoong kalaking bote. Kaya, ayun tinubigan ko mula sa gripo ng CR. Hanggang ngayon di ko alam kung anong naging resulta noon.

Noong interview portion, sobrang nagpaka-totoo lang ako. Tinanong ko yung head ng Chem Eng Dept. (Chem. Eng yung course ko sana sa paaralang yun) kung pwede kaya na ireserve sa akin yung slot ko at di muna ako magbabayad kasi may hinihintay pa akong resulta kung itutuloy ko ang UP. Kinapalan ko na ang mukha ko para masabi ang lahat ng yun. Ang daming pinagdaan ng katapangan kong yun. Pinagawa nila ako ng sulat at iba pa. Desperado ako, kaya ginawa ko kahit medyo madaming tinrabaho. Nagulat yung magulang ko pag-uwi sa bahay. Wala naman silang magawa kasi nagawa ko na ang gusto kong gawin.

Ilang lingo ang nakaraan, wala pa ding resulta ang STFAP nung tumawag ako sa kanila. Nag-back out na din yung 2 kong kamag-aaral na pumasa sa UPCAT. Mahirap ang buhay sa probinsya kaya gustuhin man nilang makapasok , wala na lang silang nagawa. Hanggang sa dumating sa huling araw ng enrolment sa UP. Gabi bago ng araw na yun, nagdesisyon ako sa sarili ko na wag na lang ding tumuloy. Napaiyak na lang ako sa higaan ko. Kinabukasan, kakagising ko lang ng bigla ko lang naisipan at sabihin sa nanay ko na subukan naming pumunta sa UP. Baka sakali lang na makapag-enrol ako. Baka, kalabaw, kambing, bahala na lang uli ang lahat ng may super powers.

Napa-oo ko yung nanay ko na samahan ako. Trivia: ang dala lang naming pera noon ay P 1,000.00. Sa isip isp ko, paano naman ako makakapag-enrol na yun lang ang dala namin, tapos 1,000 pa per unit. Nabawasan pa yun ng pamasahe. Nagbaon na lang kami ng nanay ko ng pagkain para di na kami gumastos pa. Pero, sige lang. Hindi ko alam kung anong ispiritu ang meron sa akin ng mga panahong yun at ganun na lang ako kadeterminado kahit lahat ng bagay ay taliwas sa kung ano ang dapat at ano lang ang meron.

Habang paakyat kami ng nanay ko ng SU Building, dasal na lang din yung binitbit ko at syempre lahat ng super powers ng lahat ng kailala kong super hero. Bahala na sina Batman, Superman, Wonder woman at lahat ng miyembro justice league.   Tinanong ko yung tao sa kabila ng salamin kung may resulta na ang STFAP. Sinabi ko ang buong pangalan ko habang medyo nanginginig pa ang boses. Matagala tagal nya din hinanap. Nanghihina na ako habang pinapanuod ko yung mga Isko at Iska na may hawak na ng kulay puting papel kung saan nakasulat yung schedule nila. Biglang tinawag na ng tao sa kabila ng salamin ang pangalan ko. Pakiramdam ko umakyat sa utak ko yung dugo ko ng marinig ko ang “Bracket E ka”. Gusto kong maiyak, tumalon, hindi ko alam kung anong dapat kong gawin. Para akong nanalo sa lotto. At ayun, si nanay suporta lang.

Ikaapat na Yugto: Ang Hubad na Pagsusulit

Dumeretso agad kami ng Registrar para simulan na ang isang masayang araw. May mga binigay sila sa akin. Kasama na yung pagpapaalala ng pagpunta sa “Infirmary”, yung University Health Service pala yun. Dahil sa assumera ako na mag-UP talaga ako, may dala akong X-ray result at iba pang mga papeles na kailangan para makapag-enrol. Napagod kami ng nanay ko pag-akyat ng bundok, este ng Infirmary. Ang haba ng pila. Medyo tiis lang. Nakapasok din ako sa kwarto kung saan may puting higaan at may babaeng nakaputi. Sabi ng babaeng nakaputi “ok dear. Hubad. Pakitanggal na lang lahat.” Akala ko nabingi lang ako kaya pinaulit ko, “Lahat po?”. “Oo, lahat”, sabi nya. Gusto ko na lang tumakbo palabas. Ano nga daw yung pinapagawa nya? Shocks! Pero naisip kong muli ang salitang UP. Kaya’t ayun, naging biglang isang masunuring tupa ang amazona. At nangyari ang dapat mangyari.  Welcome sa physical exam sa UP!

Isang nakakapagod na araw. Pero isa sa pinaka hindi ko makakalimutan. Gabi na din kami halos nakauwi. Sa wakas! Totoo na ang dati’y pinapangarap ko lamang.

Ikalimang Yugto: First Day High

Linggo ng hapon, kasama ko ang tatay ko pagpunta sa dorm. Hinatid nya ako sa bagong bahay ko. Ito na ang simula ng lahat. Nakakakaba, pero masaya sa pakiramdam. Doon ay nakilala ko ang mga kasama ko sa kwarto. Masaya ang buhay dormer. Saka ko na lang isusulat ang tungkol dito. Dahil baka maging nobela ito.

Maraming salamat sa mga upper class men na nakasama ko sa dorm. Hindi ako na biktima ng TBA, pagtayo kapag tinawag ng guro at ng kung anu-ano pang UP trip. Pero minsan iniisip ko, sana man lang may naranasan ako para mas masabi kong kumpleto talaga ang kolehiyo ko. Sa UP ko din naranasan na sa kalagitnaan ng klase ay biglang may mga sisigaw. Hayun! May rally pala! “Tunay! Palaban! Makabayan!”, paulit-ulit, paulit-ulit .

Matagal- tagal din ang oras na ipinila ko para makuha ang pinakaaasam asam kong UP Class card pati Form 5. Pero ayos lang, dahil masarap naman sa pakiramdam kapag nahawakan mo na ang mga ito. Tanggal lahat.  Wala ding papantay sa pakiramdam ng makuha ko ang aking ID. Totoo na to at hindi panaginip ang lahat.

Ika-anim na Yugto: Pagsubok at Tagumpay

Akala ko mahirap na ang makapasok sa UP. Totoo din pala ang sabi nila na mas mahirap makalabas. Oo. Sa sobrang hirap, akala ko di na ako makakalabas. Doon ko naranasan yung mag-exam ng walang tulog dahil sa sobrang dami ng dapat ipasa, basahin at aralin. Minsan sobrang nag-aral naman, pero wala pa din. Para bang sa kung saan hinuhugot yung mga tanong. Sobrang sakit din sa puso na bumagsak sa mga exams na nag-aral ka naman, pero ewan. Ganun na ata talaga. Hindi ata exam ang tawag dun. Kung ano man, yan ang di ko alam hanggang ngayon.

Madami akong mga nakilala na naging parte ng kung sino din ako ngayon. Nagpapasalamat ako sa mga naging guro ko. Kahit na sobrang hirap ng naging buhay ko sa kanila, madami akong natutunan. Salamat po ha, nahirapan ako pero binuhay nyo ang katawang tao ko.

Ilang taon din ang lumipas, nabigay din sa akin ang pinakakaasam asam kong diploma. Maraming salamat sa unibersidad na nagturo sa akin ng mga aral na di ko lang makikita sa apat na sulok ng kwarto.

PS: At para kay ateng AMALAYER, may parte sa akin na sana UP ka nga para masabi kong may pinag-aralan ka nga. Pero sana hindi ka din isang ISKA, kasi hindi ganyan magyabang ang isang Iska. Mayabang at palaban ang mga taga-UP, subalit hindi sa paraang alam mo. Yun lang. – From 200?-1?5?4

Image

Advertisements

Leave a reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s